Minsan di ko maisip kung busy ba ako o hindi? Well, sa sabado malamang oo! Dahil ngayon pa lang ay madami na ako kailangan ihanda para sa KOMIKON summer fiesta! Ito ay gaganapin ngayong sabado, May 16 sa Bahay ng Alumni, U.P. Diliman. Nakakatuwang sabihin na ngayon, sa tatlong mesa na magsasama-sama ang buong Bayan Knights! Ano ba ang inaasahang bago mula sa amin? Anu-ano nga ba?
Subukan kong himay-himayin:
1.) Bayan Knights issue 2- Malalaman na rin natin ang kahihinatnan ng pinakaunang misyon ng ating mga bida. Bukod dito, lalo pa naming pinaganda ang aming handog para sa inyo. Dahil sa mga tulong na natanggap namin mula nang kami ay nagsimula, nagawa naming magdagdag ng mga pahina nang walang dagdag sa presyo. Isa itong patunay sa layunin naming makatulong sa industriya ng komiks. At tulad ng dati, apat na namang Orihinal na likha ang aming ipakikila sa pamamagitan ng "Origin pages" na makikita sa loob nito upang lubos ninyong makilala ang ilan lamang sa magagaling at makabagong henerasyon na manlilikha sa komiks ngayon.
52 pages, 60 pesos pa rin.
2.) Bayan Knights sketchcards- Bawat isa ay natatangi, walang katulad. Ang sketchcards ay isang bagong produkto na gusto naming umpisahan sa bansa. Bawat isa sa mga ito ay maituturing na collector's item. Isa rin itong pagtulong sa ating mga "Comic book creators" at sa Bayan Knights projects. Ang layunin naman nito ay upang itaguyod ang tamang pagbahagi ng kita mula sa gumagawa at sa naglilimbag sa kanila. Ilang bahagi nito ay mapupunta sa paglathala ng komiks at sa mga dibuhista.
Maaari kayong magpakomisyon dun mismo sa araw na iyon o kaya naman ay sumulat sa amin. Ang isang kulay ay 30 pesos lamang at ang may kulay ay 50 pesos lamang. Sana po ay suportahan natin sila.
Mga karakter lamang sa loob ng Bayan Knights ang maaari naming gamitin.
3.) Maipapakita na rin namin ang ikatlong pabalat ng Bayan Knights! Sa araw na iyon, lahat ng bibili ng kahit na anong prdukto mula sa amin ay pwedeng manghula kung sino ang aming bagong "artist cover" sa ikatlong handog ng Bayan Knights. Kung sino man ang mabubunot at makakapaghula ay may matatanggap na premyo at Orihinal na gawa mula sa sa akin. 11 x 17 ang laki nito.
4.)Mga bagong komiks mula sa miyembro ng Bayan Knights- Ito ang bago mula sa kanilang lahat. Sadyang ginawa para sa inyo.
5.) Yun na! Magenjoy tayo at kita kits!
-Gilbert Monsanto
No comments:
Post a Comment